Ginang patay sa bangaan ng tricycle, bus sa La Union

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2018 12:48 PM

Tinitingnan ng ilang indibidwal ang lugar kung saan nagsalpukan ang isang tricycle at bus sa La Union. Larawan mula kay Rodnie Hermosura

BAUANG, La Union - Patay ang isang ginang matapos bumangga sa isang bus ang tricycle na minamaneho ng kaniyang mister dito, Sabado ng gabi.

Kuwento ng bus driver, nasa pakurbang bahagi siya ng highway sa Barangay Santiago nang mapansing hindi kumakagat ang preno kaya kinabig niya ang manibela pakaliwa, papunta sa bukid.

Pero sakto namang nakasalubong ng bus ang tricycle na minamaneho ni Ronnie Villaluz.

Ani Villaluz, sinubukan niyang iwasan ang bus pero nahagip pa rin nito ang kaniyang sidecar.

Isinugod siya sa ospital kasama ang 6 na pasahero.

Makaraan ang ilang oras, binawian ang 35-anyos na misis ni Villaluz. Kritikal naman ang lagay ng 11-taong-gulang na anak nito.

Ayon sa pulisya, wala silang nakitang problema sa gulong ng bus. Posible rin anilang overloaded ito dahil may mga nakatayong pasahero.

Idudulog nila ang insidente sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transportation Office.

Ikinulong muna ang driver ng bus. Nakatakda namang makipag-areglo ang bus operator sa tricycle driver.

- Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.