Ex-legal officer ng Ilocos Norte, sugatan sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2018 01:16 PM | Updated as of Sep 30 2018 03:40 PM

LAOAG - Sugatan ang isang dating provincial legal officer ng Ilocos Norte makaraang barilin ng 2 lalaki sa tapat ng kaniyang opisina sa lungsod na ito. 

Kinilala ang biktima na si Atty. Jason Perera na nanilbihan sa ilalim ng administrasyon ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos. 

Ayon sa nakakita, kakaparada lang ni Perera ng kaniyang sasakyan nang pagbabarilin siya. Nakatakbo umano ang abogado papasok ng kaniyang bahay na katabi ng kaniyang law office kaya hindi na siya nasundan ng mga hindi nakikilalang gunman

Nagtamo ng 2 tama ng baril sa likod si Perera, ayon sa pulisya. Stable na anila ang lagay nito at mayroon nang malay. 

Maaari anilang konektado ang pamamaril sa mga hinahawakang kaso ng abogado, na karamihan ay may kinalaman sa ilegal na droga. 

Bumuo na ng special investigation task group ang pulisya para tutukan ang insidente. 

Narekober naman sa crime scene ang 2 bala ng kalibre .45 na baril. 

Ulat ni Dianne Dy, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.