Dalagita, nalunod sa sapa sa Camarines Sur

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2018 06:39 PM

TINAMBAC, Camarines Sur - Patay sa pagkalunod ang isang 14 taong gulang na estudyante sa sapa sa Barangay Malitbog sa bayang ito Sabado ng hapon.

Patay na nang makuha ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard ang biktimang si Alexandra Moyo.

Palaisipan pa ang totoong nangyari sa biktima. Kuwento ng mga kaklase at kaibigan ni Moyo, wala na silang klase sa Antipolo National High School noong Biyernes ng hapon.

Nang malaman na ilan sa kanilang mga kaklase ang nagpunta sa sapa, na kilala rin sa tawag na "Blue Beach," naengganyo umano silang pumunta.

Walang senyales ng foul play sa pagkamatay ng biktima ayon sa pagsusuri ng awtoridad, pero may pagdududa ang ina ni Moyo na si Marites.

Aniya, maaring itinulak ang kaniyang anak o kaya nadulas. Hindi umano ito umaalis sa mababaw na bahagi ng sapa pero sa malalim na bahagi na nakuha ang bangkay nito.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente. Kinuhanan na rin ng testimonya ang mga kaklase ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.