Tao sa likod ng 'imbentong' bank account ni Trillanes, tutukuyin ng senador

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 02:42 PM | Updated as of Oct 01 2017 01:18 AM

MANILA - Nakatakdang tukuyin ni Senador Antonio Trillanes IV sa isang privilege speech sa darating na linggo ang pagkakakilanlan ng nag-imbento umano ng kaniyang bank account sa ibang bansa.

Sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga, sinabi ni Trillanes na kilala na niya ang taong nasa likod ng panloloko umano kay Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon siyang bank account sa ibang bansa.

“Ipi-privilege speech ko 'yan. Apparently, ganito trabaho niya. Marami siyang koneksiyon sa mga pulis at nagpapakilala siyang dati raw siyang federal agent ng US, mga ganung tipo ng pangswi-swindle,” sabi niya.

Nasaktuhan umano ng nasabing tao si Duterte na naghahanap naman ng butas laban sa kanya.]

“Na-tiyempuhan nila itong sina Duterte dahil naghahanap sila ng makukunan nila [laban] sa akin, doon niya binentahan,” sabi niya.

Ayon kay Trillanes, ito rin ang ginawa kay Senadora Leila de Lima, na nakakulong ngayon habang nahaharap sa kasong sangkot umano siya sa ilegal na droga. Makailang beses na itong itinanggi ni De Lima, na isa sa mga kritiko ng administrasyon.

“Ito ang problema, 'yung mga detalye ng account, kung ano 'yung kay Sen. De Lima, halos kakaunti lang 'yung pinalitan. Naka-template,” sabi niya.

Inihayag ito ni Trillanes matapos sabihin ni Duterte na isinara na umano ng senador ang bank account niya sa Singapore bago siya mag-issue ng bank secrecy waiver at pumunta doon upang patunayang wala siyang itinatagong yaman sa bangko. 

Muli niyang idiniin na wala siyang bank account sa ibang bansa.

“On Monday, I'm going to sign the waivers just to show once and for all that I'm not hiding anything, that these allegations are not true so that the AMLC [Anti-Money Laundering Council] can easily coordinate with their counterparts abroad so that they can finally get the truth about the matter,” sabi ni Trillanes.

Susulatan din aniya ang main offices ng mga bangko para makakuha ng impormasyon, tulad ng transaction history ng mga ibinibintang na bank accounts sa kaniya.

Ayon kay Trillanes, bukod sa kaniyang gagawing paglagda sa isa pang waiver ay handa rin siyang magbitiw sa puwesto at magpakulong sakaling mapatunayang totoo ang mga paratang.

Kaugnay nito, muling hinamon ng senador ang Pangulo na pumirma rin sa bank secrecy waiver. Iginigiit ni Trillanes na may itinatagong yaman si Duterte at ang kaniyang pamilya. 

Iniimbestigahan na ng Office of the Ombudsman ang paratang. 

-- May ulat ng ANC, Dateline Philippines

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.