Pagkawala ng 20-anyos na dalaga, sisiyasatin sa SOCO

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 01:20 PM

Nakaramdam ng kaba si Malou Lomutac nang hindi na nakauwi ang kaniyang 20-anyos na anak na si Marie Antonette Tan noong Setyembre 23, 2016.

Kuwento niya, pasado 11 noong gabing iyon nang palihim na tumakas ang dalaga sa kanilang bahay.

Hindi aniya siya mapakali noon bagaman nakasanayan na niya ang pag-alis ng dalaga nang matagal na panahon. 

“Nung araw na iyon, iba ang naramdaman [ko]. Parang may kurot, parang kinutuban,” kuwento ni Malou.

Higit na nag-alala si Malou nang hindi na makontak ang dalaga kinaumagahan.

“Tinawagan namin si Marie. Text ako nang text. ‘Marie, nasaan ka na? Nandito na ‘yung boyfriend mo.’ Nakasampung [tawag ako].”

Dagdag pa niya, may mga pagkakataon kasi na madaling magtiwala ang dalaga sa mga bagong nakakasalamuha nito. Nagiging malihim din si Marie sa kaniyang nakakasama sa labas.

“‘Di niya sinasabi kung sino ‘yung mga kaibigan niya. Kaibigan niyang mga babae [ang mga kilala ko], pero ‘yung tropa na lalaki hindi.”

“Sinabihan ko, ‘wag ka basta-basta sasama lalo na [kapag] first time mo pa lang nakikilala.”

Setyembre 24, 2016 naman nang makatanggap ng tawag ang Sta. Rosa City Police tungkol sa isang bangkay na nakita sa kanilang lugar.

“Pagdating namin dito [sa crime scene], nakita na namin ‘yung bag, ‘yung sako na bag tapos may nakalabas na paa. Hindi namin ma-identify kung babae o lalaki,” obserbasyon ng investigator-on-case na si PO3 Arnulfo Mendoza.

“Wala kaming narekober na ID or cellphone para makilala ‘yung victim.”

Nabalitaan din ni Malou ang ulat tungkol sa natagpuang bangkay.

“Sa isip-isip ko, hindi si Marie ‘yun. Pero iba ‘yung naramdaman ko,” ani Malou.

Ano nga ba ang nangyari kay Marie? Sundan ang kuwento sa ‘SOCO: Scene of the Crime Operatives’ ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng ‘Ipaglaban Mo!’

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.