Mga iskolar ng CHED, idinaing ang delayed allowance

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 04:43 PM | Updated as of Sep 30 2017 06:54 PM

Iniinda ng ilang iskolar ng Commission on Higher Education (CHED) ang abala na nararanasan nila dahil sa delayed na allowance. 

Dahil takot mapag-initan, nagpatago ng mukha ang ilang iskolar ng CHED na ilang buwan nang nagtitiis sa delayed na pag-bigay ng kanilang allowance. 

Kuwento ni alyas ‘Chris’ na galing pa sa Leyte at nama-masters sa Maynila, kinakapos na siya ng panggastos. Said na rin aniya ang kaniyang ipon dahil ilang buwan nang walang allowance. 

Breadwinner naman ng pamilya si alyas ‘Khel’ at nangutang na siya sa Government Service Insurance System (GSIS) para matuloy ang pag-aaral at makapagpadala ng sustento sa probinsya. 

Ayon sa kanila, libo-libo pa ang tulad nila pero natatakot lang magreklamo. 

Humingi naman ng dispensa ang CHED at ipinaliwanag nila na nag-require ng dagdag na dokumento ang kanilang auditing unit na hindi kasama sa mga naunang requirement.

“Hinihiling namin ang inyong patuloy na pasensiya at pag-unawa habang pinagtutulungan nating maihatid sa inyo ang mga living allowance sa lalong madaling panahon,” pahayag ng CHED.

Dagdag pa nila, ibibigay na ang allowance sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo kapag naisumite na ang tamang dokumento. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.