LPA namataan sa bahagi ng Visayas

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 11:14 AM

Isang Low Pressure Area (LPA) ang binabantayan ngayon sa may Visayas na maaring magdulot ng pag-ulan sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Sa weather forecast ng PAGASA Sabado ng umaga, namataan ang sama ng panahon sa layong 250 kilometers sa silangan, hilagang-silangang bahagi ng Guiuan, Eastern Samar.

Nakapaloob ang LPA sa intertropical convergence zone o ITCZ.

Asahan ang mahina, katamtaman hanggang sa paminsan-minsang malakas na pag-ulan sa Metro Manila, mga bahagi ng timog Luzon kabilang ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan), Bicol at Aurora, Visayas, at mga lugar sa Mindanao tulad ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga Administrative Region, at ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao).
 
Asahan din ang malakas na hangin at ulan sa nalalabing bahagi ng bansa lalo na sa hapon o sa gabi dahil sa localized thunderstorms.

Samantala, nalusaw na ang isa pang LPA na namataan Biyernes sa hilaga ng Aurora. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.