Empleyado ng MICP, 2 pa arestado sa umano'y pangingikil

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 07:52 PM | Updated as of Sep 30 2017 09:04 PM

Arestado ang isang empleyado ng Manila International Container Port (MICP) at dalawa umanong "hao shiao," o pekeng empleyado, sa Bureau of Customs sa umano'y pangingikil.

Huli ang security guard na si Allan Pagkalinawan, kasama ang kanyang pamangkin na si Brian John Cruz at si Efren Jaramilla, na anak naman ng isang customs police, dahil sa panghihingi umano ng pera para mapabilis ang inspeksiyon sa kargamento ng mga truck sa MICP.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, nasa 25 segundo lang dapat ang inspeksiyon kada truck pero pinaabot daw nila ng isang oras.

Kapag gusto aniya ng mabilisang proseso ay inaalok ng mga suspek ang truck operator ng pampadulas.

Kumpiskado ang aabot sa P22,000 mula sa tatlo.

Mariing itinanggi naman ng tatlo ang akusasiyon.

Ayon kay Pagkalinawan, ticket pass ang nakitang iniaabot niya, habang inaalalayan naman siya ng kanyang pamangkin dahil dayabetiko umano siya.

Si Jaramilla naman ay boluntaryong nagtatrapik daw sa MICP pero hindi nanghihingi ng pera.

Noong Mayo, P6.4 bilyong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska mula sa isang warehouse sa Valenzuela.

Nagsagawa ng magkahiwalay na imbestigasiyon ang Senado at Kamara sa insidente.

Naging dahilan din ito ng pagbibitiw sa puwesto ni dating Customs commissioner Nicanor Faeldon at iba pang opisyal.