2 patay, 4 sugatan sa ambush sa Ilocos Norte

Kim Lorenzo II, ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 08:46 AM | Updated as of Sep 30 2017 03:56 PM

BACARRA, Ilocos Norte (2nd UPDATE) - Dead on the spot ang dalawang lalaki, kabilang ang isa umanong sangkot sa ilegal na droga, matapos tambangan sa Barangay 22 dito Sabado ng umaga.

Nakilala ang mga biktima na sina Julius Ancheta at Marwin Calina, na dati nang nahuli sa mga illegal drug operations, ayon sa pulisya.

Ayon sa imbestigasyon, naka-convoy umano ang mga biktima sakay ng dalawang sasakyan papuntang Bangui galing sa isang sabungan sa Batac nang tambangan ng mga salarin na lulan din ng dalawang sasakyan.

Dead on the spot sina Calina at Ancheta habang isinugod naman sa pagamutan ang apat nilang kasama na nasugatan sa insidente.

Kinumpirma naman ni Chief Inspector Rellie Layug na stable na ang kalagayan ng apat na sugatang mga biktima pero hindi pa sila nakakausap ng maayos.

Narekober mula sa crime scene ang 66 na basyo ng iba't-ibang kalibre ng baril.

Isang magazine ng M16 at isang kalibre .45 ang nakita malapit sa bangkay ni Calina habang isang baril din ang nakuha mula sa sling bag ni Ancheta.

Hinalughog din ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang sasakyan ng mga biktima kung saan isang kalibre .45 at kalibre 9MM na mga baril ang narekober din.

Wala pang malinaw na motibo ang pulisya sa krimen pero pinagaaralan nila kung mayroong nakagirian ang mga biktima sa pinanggalingan nilang sabungan.

Sa ngayon, naipaalam na sa pamilya ni Calina ang nangyari dito. Mula Bacarra, inilipat na sa Bangui ang mga labi nito ayon sa hiling ng kaniyang pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.