1 patay, 2 sugatan sa pamamaril sa Baclaran

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 09:44 AM

MANILA - Patay ang isang pedicab driver nang pagbabarilin ng 'di pa nakikilalang salarin sa isang eskinita sa Barangay Baclaran, Parañaque City, Biyernes ng gabi.

Dead on the spot si Saddam Musor, alyas Miyot, 35-anyos. Nakaupo lamang sa isang bangko sa harap ng isang sari-sari store sa Mactan Street ang biktima nang pagbabarilin.

Sabi ng tanod na si Abdulrakim Masugalao, pinagbabaril si Musor ng gunman na naglakad papasok ng eskinita kasama ang isa pang lalaki. May lookout pa umano silang tatlong iba pa at sabay-sabay tumakas sakay ng mga motorsiklo sa kadikit na kalsada.

Narekober ang apat na basyo ng bala sa area.

Ayon kay Masugalao, wala umanong masamang record sa barangay ang biktima.

Natamaan din ng bala ang isang 16-anyos na binatilyo na nasa eskinita rin noon at kinailangang dalhin sa ospital para alisin ang balang pumasok sa kanyang hita.

Nadaplisan din ng bala sa noo ang isang 10-anyos na batang lalaki na kumakain kasama ng pamilya sa isang kwarto ilang metro mula sa sari-sari store.

Kuwento ng nanay ng bata, nagsidapaan sila nang makarinig ng putok at itinakbo ang bata sa looban ng bahay. Saka na lamang nila napansin na may dugo sa mukha ang bata.

Ginagamot na ang bata sa San Juan de Dios Medical Center sa Pasay City.

Bagama't ngayon lang umano nila ito naranasan sa lugar, nangangamba ang ina ng bata para sa kanilang kaligtasan at sinabing pinag-iisipan nilang umalis kung makakahanap ng malilipatan.

Patuloy ang imbestigasyon ng Parañaque police sa insidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.