Mga 'narco-politician' sa Maguindanao, inalisan ng escort at baril

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2016 12:33 AM

MAGUINDANAO – Tuloy pa rin ang buhay ng mga opisyal ng Maguindanao na napabilang sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga umanong "narco-politician", ngunit wala na silang mga unipormadong guwardiya, at maging ang kanilang mga armas ay ipinasumite sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Samsudin Dimaukom, ang alkalde ng Datu Saudi Ampatuan, sila ay tinanggalan ng pribilehiyong magkaroon ng escort na pulis at sundalo, kung kaya’t pribadong guwardiya na ang kaniyang kasama.

Ang siyam niyang baril ay nasa pangangalaga na ngayon ng PNP matapos makatanggap ng kautusan na i-turnover sa mga otoridad ang mga baril.

"Hindi naapektuhan iyong trabaho ko, naming mag-asawa. Kung may naapektuhan, iyon lang ang immediate family. Ang request namin sana ay maibalik na yung escort kasi mahirap dito sa Maguindanao," aniya.

Hiling din ni Norodin Salasal, alkalde ng Datu Salibo, na ibalik ang mga escort na sundalo.

"May natanggap rin [akong sulat] na pinapa-submit ang baril, pero isa lang ang baril ko, pistola, tapos matagal nang nawala iyon," aniya.

Matatandaang lahat ng mga sinasabing narco-politician mula Maguindanao ay pumunta ng Camp Crame upang makipagkita kay PNP Director General Ronald dela Rosa upang linisin ang kanilang mga pangalan.

Magdadalawang buwan na matapos lumabas ang listahan na kinabibilangan ng mga opisyal ng Magundanao, pero batay sa pahayag ng mga opisyal na nakapanayam ng ABS-CBN News ay wala umanong kasong naisampa laban sa mga ito, kaugnay sa bawal na gamot.

Ayon kay Montasir Sabal, alkalde ng Talitay, kailangan nila ngayong tanggapin ang epekto ng pagkakadawit nila sa isyu ng iligal na droga, kahit sinasabi nilang inosente sila sa krimen.

"Parang kailangan laging mag-ingat kasi marami ang mga pulitiko na sinasakyan kung ano ang nangyayari ngayon," ani Sabal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.