PatrolPH

Presyo ng gulay mula sa mga binagyong lugar tumaas

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2022 07:26 AM | Updated as of Sep 29 2022 07:28 AM

Watch more News on iWantTFC

Tumaas ng presyo ng mga gulay-Tagalog Huwebes sa Marikina Public Market, mga panindang galing sa mga binagyong lugar gaya ng Nueva Ecija.

Bukod sa mas mahal, ang iba ay maliliit at hindi maganda ang kalidad ayon sa mga nagtitinda, gaya ng sitaw na nasa P150 na mula sa P70 ang isang bungkos.

Ang mga talong nasa P75 na ang kilo, habang ang ampalaya ay nasa P80 ang kilo. Nasa P60 naman ang kilo ng okra, at ang siling panigang, nasa P140 ang kilo.

Mula sa P150, nasa P380 na ang kilo ng siling labuyo, at nasa P130 na ang kilo ng kamatis. Nasa P100 naman ang kilo ng luya, at nasa P50 ang kilo ng kalamansi.

Inaasahang tataas pa ito sa mga susunod na linggo, lalo na ang mga galing sa mga binagyong lugar dahil sa kakulangan nito ng suplay.

Ang ilang mga distributor, sa ibang lugar na muna kumukuha ng gulay, gaya ng Batangas na hindi gaanong naapektuhan ng bagyo.

Bahagya ring tumaas ang presyo ng mga gulay mula sa Baguio.

Ang carrots nasa P130 ang kilo, habang P65 ang kilo ng patatas. Bumaba naman ang presyo ng bell pepper sa P200 kada kilo ngayon mula P240 Miyerkoles. Nasa P65 na rin ang kilo ng repolyo mula P75 kahapon. 

Ang Baguio beans, nasa P100 ang kilo habang ang sibuyas, nasa P170 ang kilo.

Samantala, tumaas rin ng P10 kada kilo ang karneng baboy.

Ang pork chop at kasim, nasa P260 ang kilo, habang ang liempo ay nasa P290 ang kilo. Ang buto buto, nasa P210 ang kilo habang P200 ang kilo ng pata.

Ang karneng manok naman, bumaba sa P160 ang kilo mula sa P170 nitong Miyerkoles.

Inaasahang patuloy pa ang pagtaas ng presyo ng mga gulay at karne habang papalapit ang Pasko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.