PatrolPH

Ilang taga-Bulacan lugmok dahil sa pinsala ng bagyong Karding

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2022 08:39 PM

Watch more News on iWantTFC

Sungay na lang ang natitirang alaala ng magsasakang si Edwin dela Cruz sa kanyang alagang kalabaw na nalunod sa baha nang tumama ang bagyong Karding sa Bulacan. 

Dahil dito, wala na siyang katuwang sa hanapbuhay.

"Nawala ang katuwang namin sa panghanapbuhay, kasama po namin araw-araw 'yan... naiyak na lang po wala nang magagawa," ani Edwin.

Dagdag niya, parte na ng pamilya ng mga magsasaka ang kalabaw. 

Nasa P30,000 hanggang P50,000 ang kailangan nilang ipunin para makabili nito.
 
"Parang kayamanan namin 'yan," sabi ni Edwin. 

"Sabi ko, 'anak magpakahirap ka lang maipupundar mo rin 'yung kalabaw, basta walang kapansanan at wag lang magkakasakit," sabi ni Catalina dela Cruz, ina ni Edwin.

Halos nasira rin ang kanilang palayan. 

Nawasak din ang bubong ng kanilang bahay.

Bukod sa pamilya Dela Cruz, natuklap din ng bagyo ang bubong ng bahay ng 72-anyos na si Magdalena Dig. "Kailangan po namin ng yero, pako..."

Mga gamit din sa muling pagtatayo ng bahay ang panawagan ng mga pamilya sa Sitio Tiwangwang.

Wasak din ang mga bahay sa Sitio San Pedro sa Barangay Kamias, San Miguel, Bulacan. 

Dito dapat reresponde ang 5 rescuers na namatay sa kasagsagan ng bagyong Karding.

Patuloy pa ang pag-assess ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa lawak ng pinsalang iniwan ng bagyo sa probinsya.

"Depende sa nasira kung gaano karami. Kaya ipinapa-assess pa rin natin hanggang ngayon eh. Kaya nga hindi muna ako nakakabitaw ng pag-declare ng state of calamity," ayon kay Bulacan Gov. Daniel Fernando.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.