Umabot sa labas ng mall ang pila para sa voter's registration sa isang mall sa Quezon City, Setyembre 27, 2021. Una nang umapela ang mga kongresista at ilang grupo na palawigin ang voter's registration period dahil sa limitasyong dulot ng pandemya, at pinagbigyan naman ito ngayong ika-29 ng Setyembre 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
MAYNILA - Pinalawig na ng Comelec hanggang Oktubre 30 ang voter registration period, matapos itong ipanawagan dahil sa mga pagkaantala at mga limitasyong dulot ng pandemya.
Nagkaroon ng unanimous vote ang Comelec en banc ukol dito, ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez.
Pero suspendido muna ang pagpaparehistro mula Oktubre 1 hanggang 8 para sa filing ng certificates of candidacy ng mga tatakbo sa paparating na halalan.
Bago nito, dalawang beses tumanggi ang poll body sa panawagang palawigin ang registration dahil makaaapekto umano ito sa paghahanda sa halalan.
Nagpasa ang kongreso ng mga panukalang batas para mapalawig ng Comelec ang voter registration period, na pinipilahan magdamag ng mga nais magparehistro sa mga Comelec office, maging sa mga satellite voter registration site.
Nauna na ring nabanggit ng Comelec na namumuro ang pagpapalawig ng voter registration period.
Nakatakdang bumoto ang taumbayan ng pangulo at bise-presidente at mga miyembro ng Kongreso at mga local government official sa Mayo 9, 2022.
-- May mga ulat ni Jauhn Etienne Villaruel, ABS-CBN News
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TV PATROL, TV PATROL TOP, PatrolPH, Tagalog News, COVID-19, coronavirus, Halalan 2022, 2022 elections