PatrolPH

'Parent leaders' sa Taguig at Pateros, tinutulungan ang mga kasama sa komunidad

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2021 04:10 PM | Updated as of Sep 29 2021 07:22 PM

Katuwang ng ABS-CBN Foundation ang grupo ng mga volunteer sa Pateros para mamigay ng ayuda ngayong marami ang hikahos bunsod ng COVID-19 pandemic. Screengrab
Katuwang ng ABS-CBN Foundation ang grupo ng mga volunteer sa Pateros para mamigay ng ayuda ngayong marami ang hikahos bunsod ng COVID-19 pandemic. Screengrab

Sa isang online group chat mino-monitor ni Mariela Atuel, "parent leader" mula sa isang non-government organization, ang mga kabarangay sa Taguig na nangangailangan ng tulong ngayong may pandemya.

Bago pa man mauso ang mga community pantry, may proyekto na sina Atuel kung saan namamahagi sila ng mga pagkaing bigay ng iba't ibang kompanyang tumutulong sa kanilang grupo.

Ngayon, isa na itong community pantry na inaasahan ng mga residente sa lugar.

"Kung maririnig mo lang 'yong daing ng mga kapwa ko benepisyaryo... bawat hinaing, tumatagos sa puso ko," ani Atuel.

Watch more on iWantTFC

Sa Pateros, parent leaders din ang tumutulong sa pamamahagi ng ayuda, lalo ngayong patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lugar.

Hirap ngayong maghanapbuhay ang mga residente sa Pateros, gaya ng solo parent at manikuristang si Catherine Dilag.

"Nakakatakot. Parang ayaw na namin lumabas. Napipilitan lang talaga kasi kailangan kumain, may anak na pinapakain," ani Dilag.

Bilang pag-agapay, hinatiran ng pagkain ng programang Pantawid ng Pag-ibig ng ABS-CBN ang ilang pamilya sa Pateros at Taguig sa tulong ng mga parent leader sa mga lugar.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.