Daan-daang bag ng sibuyas at carrots nasabat sa Oriental Mindoro

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2021 08:18 PM

Bureau of Plant Industry
Courtesy of Bureau of Plant Industry

MANILA -- Nasabat ng Bureau of Plant Industry (BPI) nitong Martes sa Port Dangay sa Oriental Mindoro ang 1,000 bags ng bombay onions, 400 bags ng red onions, at 600 kahon ng carrots.

Nasabat din ang ilan pang kahon ng cream cheese at pasas.

Ayon sa Director ng BPI na si George Culaste, galing ang mga ito sa Batangas at itinawid sa Mindoro.

Dadalhin na sana ang mga ito sa Iloilo. Pero walang maipakitang mga papeles ang driver at pahinante ng van, kaya kinumpiska ang mga produkto.

Nakasulat sa mga kahon ng mga produkto ang “Product of China”. Pero ayon kay Culaste, hindi pa kumpirmado kung smuggled ang mga ito.

Nakatakdang itapon o sirain ang mga produkto.

“Destruction talaga 'yun,” aniya.

Samantala, sinabi ni Culaste na mahihirapan silang kumpiskahin ang mga naka-display o ibinebenta nang mga smuggled na produkto sa palengke.

"Wala kaming authority na hulihin yung sa vendor. Di naman natin pwedeng hingan ng SPS-IC (sanitary and phytosanitary import clearances) yung mga vendors kasi ang alam ko, yung mga vendors dineliver lang din sa kanila yung kanilang binibenta, binibili lang din nila sa mga traders," aniya.

KAUGNAY NA BALITA

Watch more on iWantTFC