Mga bibisita sa mga sementeryo sa San Juan dapat munang magpa-schedule

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2020 01:37 PM

MAYNILA - Naglabas ng kautusan ang pamahalaang lokal ng San Juan na dapat magparehistro muna ang mga dadalaw sa mga sementeryo sa mga araw na balak nilang pumunta roon. 

Ito ay matapos kanselahin ang pagdalaw sa sementeryo sa Undas sa bansa, at hinihimok ngayon ang maagang pagdalaw sa mga yumaong mahal sa buhay sa gitna ng patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Inanunsyo ni San Juan City Mayor Francis Zamora na naglabas siya ng Executive Order para sa pre-registration bago magtungo sa sementeryo. 

Nauna na niyang sinabi na isasara ang mga sementeryo sa San Juan mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 para maiwasan ang pagkukumpulan ng tao. 

Pero nagtakda ang LGU ng petsa kung kailan puwedeng dumalaw: mula Oktubre 15 hanggang 28 at mula Nobyembre 5 hanggang 15. 

Dalawang oras lang kada batch ang puwedeng manatili sa sementeryo at 30 percent lang ang puwede sa loob. 

Sa San Juan Public Cemetery, maaaring magpa-schedule sa San Juan Undas Hotline na 7728-9818. 

Maaari ding magpa-reserve ng dalaw sa mga pribadong kolumbaryo at libingan. 

— Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.