Menorya sa Kamara pinasisibak si PCOO Usec. Badoy bunsod ng umano'y 'red-tagging'

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2020 04:59 PM

Menorya sa Kamara pinasisibak si PCOO Usec. Badoy bunsod ng umano'y 'red-tagging' 1
PCOO Undersecretary Lorraine Marie Badoy sa isang Senate hearing tungkol sa "fake news," Jan. 30, 2018. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

MAYNILA— Pinaaalis ng menorya sa Kamara sa puwesto si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy.

Sa budget deliberation ng PCOO, binasa ni Minority Leader Bienvenido Abante ang manifesto na pirmado ng 18 miyembro ng menorya sa Kamara.

Ito ay may kaugnayan sa pagbibintang ni Badoy na matataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA) ang mga kinatawan ng Makabayan bloc na miyembro rin ng menorya.

Ayon sa menorya, dapat alisin ng PCOO ang lahat ng kawani nito sa social media na bumabastos sa mga miyembro ng Kamara, partikular ang Makabayan bloc.

Hiling din nila na humingi ng tawad ang PCOO dahil sa grave misconduct laban sa mga kongresista.

At huli: ang pagsibak kay Badoy dahil ang kaniyang ikinilos ay hindi umano kumakatawan sa tamang pag-uugali ng isang civil servant.

Ang malisyosong “terrorist-tagging” sa Makabayan bloc ay naglalagay sa alanganin sa buhay ng ilang miyembro ng Kamara, anila.

null

null

Sinabi naman ng sponsor ng panukala na si Bataan 2nd District Rep. Jose Enrique Garcia, willing na mag-sorry si Badoy at tanggalin ang kaniyang mga post.

“Basta po ang atin pong mga kasamahan dito po sa mababang kapulungan ay lahat ay magsa-sign din o kaya ay ipapaalam din sa lahat na sila ay laban sa kahit anong armed conflict para patumbahin ang ating pamahalaan," aniya.

Hindi ito tinanggap ni Abante at hinamon niya si Badoy na kung totoo ang sinasabi nito ay ihabla ang kaniyang mga pinararatangan at huwag idaan sa court of public opinion ang pagbibintang sa mga miyembro ng Makabayan bloc.

Hiniling ni Abante na ipagpaliban ang pagtalakay sa budget ng PCOO, na sinang-ayunan naman ng mayorya.

Nanindigan naman ang PCOO na personal at pribadong post ito ni Badoy sa kabila ng paglalagay nito ng titulo niya bilang undersecretary at paglalagay na siya ay opisyal na tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).