Pulisya, tukoy na ang mga sangkot sa hazing ng criminology student sa Laguna

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2019 11:06 AM | Updated as of Sep 29 2019 05:46 PM

(PLS EMBED TVP REPORT OF MICHAEL DELIZO)

Watch more in iWantTFC

MAYNILA -- May sinusundan nang lead ang pulisya ng San Pablo, Laguna para matukoy ang mga sangkot sa hazing ng isang criminology student ng Laguna State Polytechnic University (LSPU).

May hawak nang mga pangalan ang pulisya ng mga umano’y miyembro ng fraternity na sinalihan ng hazing victim na si Jonathan Concordia, ayon kay San Pablo City Police chief Lt. Col. Eliseo Bernales.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang pulisya sa eskwelahan para matukoy ang iba pang miyembro ng nasabing fraternity.

Nauna nang na-access ng pamilya ni Concordia ang kaniyang Facebook account kung saan nakita ang message thread ng grupo.

Doon ay plinano pa nila na huwag dalhin sa ospital ang biktima matapos mag-collapse sa loob ng eskuwelahan.

Bineberepika din ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga miyembro sa group chat dahil ang ilan daw ay gumagamit lang ng alyas.

Ayon kay Bernales, iimbestigahan din nila ang posibleng pananagutan ng pamunuan ng LSPU dahil doon nag-collapse si Concordia.

Nauna nang tiniyak ni LSPU president Mario Briones na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon ng pulisya at walang pagtatakpan sa nangyaring hazing.

Ayon kay Prospero de Vera, chair ng Commission on Higher Education, binabantayan din nila ang pag-usad ng imbestigasyon.

Nakatakda rin siyang personal na bumisita kay Concordia sa ospital.

"What is important now is that the student is getting medical attention. Let's let the police do their job and complete the investigation," aniya.

"It did not happen inside the school premises and the organization is not an LSPU recognized org... Let's wait for more results from the investigation."