Matagal na pag-release ng benepisyo ng distressed OFW inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2019 06:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Marso ngayong taon umuwi ng Pilipinas ang overseas Filipino worker na si Jaime Camasis, dating maintenance worker sa Riyadh, Saudi Arabia.

Dahil kulang ang sahod na ibinigay ng kaniyang employer, napilitan si Camasis na magreklamo sa Philippine Overseas Labor Office (POLO).

"Hindi na po kaya namin na magtrabaho ng almost 12 hours na kulang sinasahod," ani Camasis.

Sa ilalim ng programa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na "Balik-Pinas, Balik-Hanapbuhay," maaaring makakuha ang distressed OFW, gaya ni Camasis, ng P20,000 livelihood assistance.

Pero ang reklamo ni Camasis ay pagkatapos niyang mag-file ng dokumento at mag-seminar, hindi na umusad ang kaniyang aplikasyon sa OWWA.

"After magpasa ng documents, maghintay daw ng message... ang sinasabi saglit lang daw na maghintay, eh ako po, almost 4 months na wala pang dumadating," ani Camasis.

Ayon sa OWWA, may kulang na detalye sa isinumiteng business plan ni Camasis.

"May proseso at lalo na kung pangkabuhayan ang proseso, dumadaan pa ito sa entrepreneurship training and seminar," ani OWWA Administrator Hans Leo Cacdac.

Agad inasikaso ng OWWA ang aplikasyon ni Camasis at personal na ring ibinigay sa kaniya ang ipinangakong benepisyo. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.