30 preso sugatan sa rambol sa Manila City Jail

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2019 01:09 PM | Updated as of Sep 29 2019 03:33 PM

(UPDATED) Hindi bababa sa 30 preso ang nasugatan sa rambol na nangyari sa Manila City Jail ngayong umaga ng Linggo, ayon sa mga awtoridad.

Nasa 34 ang nasugatan sa gulo sa pagitan ng Batang City Gang at Sputnik Gang, ayon kay Senior Inspector Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng Manila City Jail.

Nangyari ang gulo sa Dorm 11 at 12 ng kulungan bandang alas-6:28 ng umaga, ayon naman sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Agad rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology para matigil ang gulo, ayon sa ulat ng NCRPO.

Nag-ugat ang rambol sa sagian ng 2 preso at lumaki nang magkampihan ang mga miyembro ng mga gang, ani Bustinera.

Siyam sa mga nasugatan ay dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center dahil sa mga tinanong malubhang sugat, sabi ni Bustinera.

Ang iba sa mga nasugatan ay dinala sa infirmary unit.

Nagkaroon ng lockdown sa kulungan habang iniimbestigahan ang nangyari.

Inamin naman ni Bustinera na siksikan o overcrowded ang mga dorm na pinangyarihan ng rambol.

Nasa 800 preso ang nananatili sa mga dormitory samantalang 200 preso lang ang capacity nito, ani Bustinera. -- Ulat nina Henry Atuelan at Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.