Pangkabuuang naging organisado ang buong huling araw ng pagpaparehistro ng mga botante sa Quezon City Hall nitong Sabado. Mark Demayo, ABS-CBN News
MAYNILA (UPDATE)—Dinagsa ng mga Pilipinong nais bumoto sa halalan sa 2019 ang mga opisina ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado para humabol sa huling araw ng pagpaparehistro.
Pangkabuuang naging organisado ang buong huling araw ng pagpaparehistro sa Quezon City Hall.
Bahagya lamang nagkaroon ng tensiyon matapos magkasigawan ang mga nasa mahabang pila.
May isang grupo kasi umano ng mga lalaki ang nagpumilit na sumingit na ikinagalit ng mga nagpaparehistrong matiyagang naghintay ng ilang oras
Inuna naman ang mga senior citizen, mga buntis, at mga PWD sa priority lanes.
Sa Bacolod, hindi natinag ng ulan ang daan-daang magpaparehistro.
Martian Muyco, ABS-CBN News
Sa Tacloban, alas-5 pa lang ng umaga ay marami na ang pumila.
Hanggang alas-5 lang ng hapon ang registration pero ayon kay Comelec assistant regional director Felecisimo Embalzado, hangga’t kaya pa nila ay patuloy nilang tatanggapin ang mga magpaparehistro.
Sharon Carangue, ABS-CBN News
Sa Naga, may numerong ibinibigay sa mga nais magparehistro para maging organisado. May hiwalay din na linya para sa senior citizen, buntis at PWD.
Mylce Mella, ABS-CBN News
Dumagsa rin ang taga-Legazpi City sa huling araw ng voter registration.
Thea Omelan, ABS-CBN News
Abot naman hanggang sa labas ng Comelec office sa Naga City sa Cebu ang pila para sa huling araw sa rehistrasyon.
Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News
Ganito rin ang sitwasyon sa Cotabato City, Maguindanao.
Bho Andong, ABS-CBN News
Sa Davao City naman, tatapusin ng Comelec ang pagproseso ng mga nagpaparehistrong nasa ikatlong step na. Maaari itong umabot ng alas-9 sa haba ng pila.
Chrislen Bulosan, ABS-CBN News
Sa Baguio, nagsimula ang signature campaign para sa pagpapalawig ng voter registration.
Michelle Soriano, ABS-CBN News
Kinekuwestiyon ng mga residente kung bakit pasado alas dose ng tanghali nagdeklara na ng cut-off ang Comelec.
Nangangalap sila ngayon ng 1,000 pirma para i-extend ng Comelec ang registration.
“Gusto po namin sanang may mga makapag-sign pa para naman maipakita na marami pang gustong humabol,” sabi ni Shan Garcia, na isa sa mga nangangalap ng pirma.
Paliwanag naman ng Comelec, binilang na nila kung ilan sa mga nakapila ang kakayaning i-accommodate ng opisina hanggang sa alas-5 ng hapon na deadline.
“Can you imagine kung mamaya pang alas singko ako magka-cut, eh kailan kami matatapos? Bukas ng hapon?” ayon kay Atty. John Paul Martin, election officer ng Comelec-Baguio.
Dagdag ng Comelec, hindi naman daw sila nagkulang ng paalala dahil July 2 pa nagsimula ang voter registration.
Wala rin daw bisa ang petition dahil nagdeklara na ang Comelec en banc na walang extension ng voter registration.
— May ulat nina Jeffrey Hernaez, Sharon Carangue, at Michelle Soriano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.