SSS member nagreklamo nang may mag-claim ng kaniyang 'burial benefit'

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 10:18 PM

Watch more in iWantTFC

Isang buhay na buhay at aktibong miyembro ng Social Security System ang nagreklamo sa "Tapat Na Po" matapos niyang madiskubre na may nag-claim sa kaniyang burial benefits.
    
Abala ang dulot nito sa magreretiro na sanang si Virgilio dela Cruz na ilang ulit nang nagpunta sa SSS para ayusin ang problema.
    
"Malaking abala po, pamasahe nga lang papuntang SSS Cabanatuan bali inaabot na ko ng P280... Dati po kada ikalawang linggo ako pumupunta, ngayon linggo-linggo na," hinaing ng lalaki.

Dahil inakalang patay na, nanganganib na hindi makuha ni Dela Cruz ang kaniyang pensiyon at iba pang benepisyo mula sa ahensiya.

Idinulog ng Tapat Na Po sa SSS ang reklamo at nagsagawa ng imbestigasyon ang ahensiya.

Na-trace na ng SSS kung sino ang nag-file ng death claim gamit ang death certificate at gastos sa punerarya.

Dahil dito, makukuha na sa Oktubre 4 ni Dela Cruz ang kaniyang retirement benefit at magsisimula na ang kaniyang pensiyon sa Enero 2019.

DISABILITY CLAIM NA NATENGGA

Samantala, hirap nang maglakad at kumilos ang 37-taong gulang na si Renel Gaspar matapos ma-stroke.
    
Kaya noong Pebrero 2018, nag-file siya ng disability claim sa SSS.
    
Pero matapos ang mahigit apat na buwan na followup, wala pa ring tugon ang SSS sa benipisyong hinihingi ni Gaspar.

"Diabetic po ako, kailangan ko uminom ng maintenance [medicine] ko sa high blood, tapos 'yung para sa cholesterol ko. Hirap na hirap na ako," ani Gaspar.

Paliwanag ng SSS, binigyan kasi nila si Gaspar nang apat na buwan para maka-recover at kung hindi ay saka lang puwedeng mag-file ng disability claim.
    
May nakita ring problema sa record niya.

"Mayroon siyang 12 months na unposted contribution... Hinalukay na namin ang kaniyang records para siguraduhin na ang matatanggap niya na total disability pension ay tama," paliwanag ni Luisa Sebastian, tagapagsalita ng SSS.

Nitong Biyernes, naayos na ang kontribusyon ni Gaspar at nakapag-file na ito ng partial disability claim.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng "Tapat Na Po."

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.