SOCO: 20-anyos na babae natagpuang patay sa bakawan sa Dagupan

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 03:53 PM

 

Natagpuan ang bangkay ng 20-anyos na si alyas "Raquel" sa bakawan sa Barangay Pantal Guibang, Dagupan City sa Pangasinan noong Agosto 28.

“Makikita mo pa 'yung tunay na itsura ng mukha. At [a] glance, alam nila na ni-rape 'yung tao dahil half-naked nga siya,” ayon kay Supt. Jandale Sulit, hepe ng Dagupan police.

Sa autopsy, natukoy na pagsakal ang ikinamatay ni Raquel. Nakakita rin ng mga palatandaan na ginahasa ang biktima.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, huling nakausap ng biktima sa kaniyang cellphone ang kasintahan nitong si alyas "Jerry." 

“Iyung boyfriend niya, nakausap niya pa eh. Habang kausap niya, may narinig siya na binati nung girlfriend niya na good evening daw,” kuwento ni Sulit.

Dahil dito, natukoy ng mga awtoridad na baka ka-lugar lang ni Raquel ang salarin.

Bigla namang lumutang ang isang testigo na si alyas "Ben" at base sa sinumpaang salaysay nito ay pauwi na siya galing inuman nang makarinig ng sigaw ng isang babae.

“Narinig din niya 'yung sigaw ng babae, 'yung 'papa, mama' daw,” ani Sulit.

Ayon pa kay Ben, nakita niya noon ang apat na lalaking kinilalang sina Rhadu Eugenio alyas Adi, 36; Flor Moulic Jr. alyas Jay-ar, 26, Jonathan de Vera alyas Maning, 29; at Alfredo Ubando alyas Pidong, 28.

Napag-alamang mga pinsan pala ni Ben ang apat na suspek.

“Kilala niya 'yung ugali ng mga suspek. Tsaka hindi na rin niya makaya sa konsensiya niya kasi narinig niya 'yung pagsigaw ng babae,” dagdag ng pulis.

Dahil sa testimonya at iba pang ebidensiya, sinampahan ng kasong rape with homicide ang apat na suspek, na hanggang ngayon ay itinatanggi ang bintang. 

Hustisya naman ang hangad ng mga kaanak at kasintahan ng biktima.

“Lahat gagawin namin para [makuha] 'yung hustisya sa kaniya, na iyong gumawa sa kaniya na para makulong sila habambuhay,” sabi ni Jerry.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO" ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Sundan ang "SOCO" sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.