Nasa 50 milyong Facebook accounts, apektado ng 'pananamantala' ng hackers

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 03:52 PM | Updated as of Sep 30 2018 08:00 PM

Watch more in iWantTFC

Inanunsiyo ng Facebook (FB) nitong Biyernes na aabot sa 50 milyong Facebook accounts ang apektado ng umano’y security flaw na pinagsamantalahan ng mga hacker.

Ayon sa Facebook, Martes nang matuklasan nilang "ninakaw" ng mga hacker ang tinatawag na “access tokens” na itinuturing na digital keys o susi sa isang account.

"We don't know if any accounts were actually misused...This is a serious issue," ani Facebook chief executive Mark Zuckerberg.

(Hindi pa namin alam kung may mga account na nagamit nang hindi tama...Isa itong seryosong isyu.)

Bilang pag-iingat, pansamantala munang ni-log out ang maraming user sa kanilang account. 

Tinanggal din ng Facebook ang kanilang “view as” feature kung saan nakitaan ng kahinaan ang seguridad ng social network.

"It's clear that attackers exploited a vulnerability in Facebook's code," ani Facebook vice president of product management Guy Rosen. 

(Malinaw na sinamantala ng mga attacker ang kahinaang ito ng Facebook code.)

"We've fixed the vulnerability and informed law enforcement," dagdag niya.

MGA HAKBANG NG FACEBOOK

Dahil sa pag-atake, nakikipag-ugnayan na ang Facebook sa mga data privacy regulator at sa mga awtoridad, ani Rosen. 

Dadamihan rin ng Facebook ang bilang ng kanilang trabahador na nakatutok sa seguridad ng kanilang mga milyon-milyong Facebook user.

Inabisuhan rin nila ang mga apektadong Facebook user na maglog-in na lamang muli sa kani-kanilang mga device. 

Iginiit rin nila na hindi na kinakailangang baguhin ng mga user ang kanilang mga password. 

NPC NAGPAYO

Ayon naman sa National Privacy Commission, hindi pa raw matukoy kung ilang Pilipino ang apektado at kung may mali umanong paggamit ng personal na impormasyon.

Payo nila sa Pinoy Facebook users na gumamit ng multi-factor authentication at paigtingin pa ang mga password ng mga account para siguradong protektado ang mga ito. 

Anila, maaaring tingnan ang kanilang website kung paano pa poprotektahan ang sarili sa mga cybercrime.

-- May ulat mula sa Agence France-Presse 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.