Mga residente ng Cainta, Antipolo, dagsa sa huling araw ng voters' registration

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 02:57 PM | Updated as of Sep 29 2018 10:41 PM

Dinagsa ng mga residente ang huling araw ng voters' registration ng Commission on Elections (COMELEC) sa Cainta at Antipolo sa Rizal. 

Gaya ni Gerard Datoga, residente ng Cainta, na matiyagang pumila sa ilalim ng init ng araw dala ang kaniyang pasaporte bilang identification at application form para makapagparehistro. 

Ayon kay Datoga, unang pagkakataon niya itong bumoto at nais niyang magamit ang kaniyang karapatang makapagparehistro at makaboto. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Inasahan na ni Cainta Election Officer Rhodora Aquino Yanes ang mahabang pila sa huling araw ng rehistro.

“Ganito na the last 4 days at ganiyan naman ang mga Filipino, kung kailan deadline saka talaga naghahabol," aniya.

Pero di tulad ng sa Antipolo, hindi lilimitahan ni Yanes ang mga nakapilang nagpaparehistro. 

Sa Antipolo City kasi, nilimitahan na sa 600 ang maaring makapagparehistro.

Ang hindi mga nakakuha ng numero ay pinauwi na. Magkahalong pagkadismaya at lungkot ang naramdaman ng mga hindi nakarehistro.

Ayon kay Yanes, alas-3 ng hapon ay kukunin ng mga tauhan ng Comelec sa Cainta ang lahat ng application form ng mga magpaparehistro na nasa paligid ng Comelec at kanila pa ring ipoproseso.