Matapos ang halos isang buwan, Trillanes, nakauwi na

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 03:38 PM | Updated as of Sep 29 2018 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakauwi na si Senador Antonio Trillanes sa kaniyang tahanan nitong Sabado, Setyembre 29 matapos ang 25 araw na pananatili sa kaniyang tanggapan sa Senado. 

Kasunod ito ng pagtakda ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 ng pagdinig para sa nabuhay na kasong coup d'etat ng senador sa Oktubre 5 sa halip na mag-isyu ng arrest warrant sa kahilingan ng Department of Justice (DOJ). 

Nang makauwi, agad nilaro ng senador ang kaniyang alagang chow-chow na si Bruno. 

Nagpasalamat ang senador sa kaniyang mga taga-suporta at kaalyadong nanalangin para sa kaniyang ligtas na pag-uwi, na tinawag niyang "milagro."

"Alam niyo po ito, itong pagdating ko dito, nakumpleto na, ito na 'yung political miracles na nasaksihan natin. 'Yung journey na 'to, up and down, parang roller coaster siya," ani Trillanes.

Plano ng senador na magpahinga, samahan ang kaniyang pamilya, at bisitahin ang kaniyang ina na ngayo'y nasa ospital, habang naghahanda sa susunod na pagdinig ng korte sa kaniyang mga kaso. 

Balik-Senado si Trillanes sa Lunes para makipag-ugnayan sa mga mambabatas at maituloy ang kaniyang hiling na imbestigasyon ng mga umano'y anomalya sa administrasyong Duterte. 

"Ako ay makikiusap sa liderato ng iba't ibang mga komite na may pending resolutions kami ng mga anomalya ng administrasyong ito. 'Yung mga corruption allegations kay [Solicitor General Jose] Calida, 'yung mga corruption allegations kay [Special Assistant to the President] Bong Go at 'yung involvement sa illegal drugs ni [Pangulong Rodrigo] Duterte mismo," aniya. 

Patuloy na nananalangin ang ilang kaibigan at kaalyado ni Trillanes na malagpasan ng senador ang anila'y panggigipit ng gobyerno sa pagpapaaresto dito. 

"Hindi naman pupuwedeng tatakutin kami para tumahimik kami sa pagpupuna sa kamalian ng administrasyon na ito," ani Magdalo partylist representative Gary Alejano. 

Noong Setyembre 25, inaresto si Trillanes sa hiwalay na kaso ng rebelyon sa Makati RTC Branch 150 dahil sa kaniyang pagkakasangkot sa Manila Peninsula siege noong 2007. Agad siyang nakapag-piyansa at bumalik sa Senado. 

Ang hiwalay na kaso sa Branch 148 ay kaugnay naman ng 2003 Oakwood mutiny. 

Nabuhay ang mga kaso matapos ipawalangbisa ni Duterte ang amnesty na ibinigay kay Trillanes, isang dating Navy officer, matapos pamunuan ang mga pag-aaklas. 

Ayon sa ilang opisyal, hindi umano sinunod ng senador ang ilang requirements sa pagkamit ng amnestiya. Inaprubahan ni dating pangulong Benigno Aquino III ang amnestiya ni Trillanes noong 2011.

Pero iginigiit ni Trillanes na sinunod niya ang tamang mga hakbang sa pagkuha ng amnestiya. 

—May ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.