Lalaking nagbebenta umano ng 'damo' arestado sa buy-bust

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 09:45 AM

Narekober ng awtoridad mula sa suspek ang buy-bust money at brick ng marijuana. Larawan mula sa Quezon City Police District.

MAYNILA - Timbog ang isang 26-anyos na lalaki sa isang buy-bust operation nitong Biyernes sa Quezon City.

Ayon sa paunang ulat ng Quezon City Police District, mga tauhan ng Novaliches Police Station ang nagkasa ng operasyon sa tapat ng isang fastfood restaurant sa Kingspoint sa kanto ng Quirino Highway, Barangay Bagbag, Novaliches laban sa target na si alyas Edong.

Isang pulis na nagpanggap na buyer ang bumili ng P1,000 halaga ng marijuana mula sa suspek. 

Agad hinuli ng mga operatiba ang suspek matapos ang transaksyon.

Nakuha mula sa suspek ang isang brick ng marijuana na nakabalot sa plastic at may bigat na isang kilo. 

Tinatayang nagkakahalaga ito ng P120,000. May nakuha pa sa kaniyang P19,000 na hinihinalang drug money.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.