Lalaki pinatay ang misis bago binaril ang sarili

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 05:34 AM

CEBU CITY - Pinatay ng isang lalaki ang kaniyang maybahay bago siya nagbaril sa sarili sa Barangay Inayawan, Cebu City Biyernes ng gabi.

Kinilala ang mag-asawa na sina Aldrin at Gina Cabo na parehong nagtamo ng tama ng bala sa katawan.

Si Aldrin ay retiradong kawani ng Coast Guard Cebu Station, habang negosyante naman si Gina.

Ayon kay PO1 Jaymos Tordeos ng Pardo Police Station, binaril ng suspek ang biktima bago ito nagpakamatay.

Base ito aniya sa salaysay ng nanay ni Gina na nakakita sa pangyayari. Bago pa ang insidente, galing sa isang inuman ang suspek.

Selos ang tinitingnang motibo ng mga pulis sa krimen.

Ayon kay Tordeos, nagalit umano si Aldrin nang malamang pumunta sa Palawan si Gina kasama ang mga classmates noong isang linggo.

Matagal nang nakipaghiwalay ang biktima sa suspek dahil umano sa pambubugbog.

Nitong Agosto, naisyuhan ng barangay protection order si Gina laban sa mister.

Nakatakdang ipa-autopsy ang mga bangkay at isasailalim din sa paraffin test ang suspek. - ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.