Ika-2 anibersaryo ng pagkamatay ni dating Senador Miriam Santiago, ginunita

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 11:49 AM

MAYNILA - Suot ang mga pulang t-shirt, isang "Happy Spiritual Birthday" ang pagbati ng mga kaanak at taga-suporta ni dating Senador Miriam Defensor Santiago sa paggunita sa kaniyang ikalawang death anniversary Sabado ng umaga sa Loyola Memorial Park sa Marikina City. 

Kabilang sa mga dumalo sa memorial ay ang asawa ni Santiago na si Narciso "Jun" Santiago Jr., Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Manila Mayor Joseph Estrada.

Nagpasalamat ang asawa ng senadora sa mga nakaaalala pa rin sa kaniyang kabiyak at sinabing ang katapatan, kagalingan, integridad at moralidad ay ilan lamang sa mga katangian ni Santiago na dapat ding isabuhay ng mga lider ng bansa. 

Tinawag naman ni Estrada na "ideal public official" si Santiago. Si Duterte-Carpio, sinabing kaibigan ng mga Duterte ang senadora. 

Samantala, sa isang maikling panayam, sinabi ni Duterte na hindi siya tatakbo sa pagka-senador sa 2019. Tumanggi naman siyang magbigay ng komento ukol sa pahayag ng kaniyang ama, si Pangulong Rodrigo Duterte, na tanging kasalanan lamang niya ay ang extrajudicial killings. 

Namatay sa Santiago noong Setyembre 29, 2016 sa sakit na lung cancer sa edad na 71. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.