Driver, sugatan sa aksidente sa Marikina

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 09:32 AM

Bumangga sa lane separator at poste ang isang kotse sa Marikina City na ikinasugat ng driver nito. Fred Cipres, ABS-CBN News

MAYNILA - Sugatan ang isang lalaki matapos sumalpok ang kaniyang minamanehong kotse sa concrete lane separator at poste sa Marikina City, Sabado ng madaling araw.

Ayon sa Marikina City Police, bumangga ang isang pulang Honda Civic na wala pang plaka sa lane separator at poste bago umakyat ng Barangka flyover na naghihiwalay sa mga motoristang babagtas ng Marcos Highway. 

Nagliyab pa ang unahang bahagi o engine bay ng kotse pero agad namang naapula ang apoy.

Halos yumakap na ang unahang bahagi ng kotse sa poste.

Nasugatan sa ulo ang driver na kinilalang si Jelo Abarquez at agad na isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center. 

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Marikina traffic police sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.