CAFGU patay sa engkuwentro sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 05:39 PM

DAVAO CITY - Patay ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) habang sugatan ang isang sundalo sa engkuwentro ng 3rd Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army at mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Barangay Salaysay sa lungsod na ito Biyernes ng hapon.

Kinilala ang namatay na miyembro ng CAFGU na si Jonel Ombayo. Ayon sa asawang si Irene, wala pang isang taon sa pagiging CAFGU ang kaniyang asawa. Siya rin lamang ang inaasahan ng kaniyang pamilya para makabangon sa kahirapan.

Ayon sa 3rd IB, una silang pinaputukan ng Pulang Bagani Command 2 at Guerilla Front 53 ng NPA sa Sitio Alicuson nang rumesponde sila sa mga sumbong ng mga residente laban sa pangingikil sa komunidad.

Sugatan din sa engkuwentro si Private First Class Dave Gonzales.

Pinasabugan din umano sila ng landmine kaya gumanti na ng putok ang mga sundalo.

Binigyan na ng tulong pinansyal ang nabiyudang asawa ng sundalo. 

Nangako naman ang 3rd IB na tutulungan ang pamilya ni Ombayo.

Patuloy ang hot pursuit operation laban sa NPA. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.