MPD nakakuha ng ebidensiya sa Aegis Jvris frat library

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 10:56 AM

Police found hazing paddles inside the Aegis Jvris fraternity library. Angel Movido, ABS-CBN News

Nakikipag-ugnayan na ang Manila Police District (MPD) sa pamilya ng law student na si Horacio "Atio" Castillo III para humingi ng pagkukumparahan nila sa mga nakuhang ebidensiya mula sa library ng Aegis Jvris Fraternity.

"Yung pieces of evidence na nakuha, lalo na yung forensic evidence, it will be subjected for comparison kaya we are coordinating with the family of Mr. Horacio Castillo III dahil kailangan po namin ng comparison, either body fluids o blood sample po ng ating biktima. May proseso pong isasagawa ang ating SOCO team [Scene of the Crime Operatives]," pahayag ni Superintendent Erwin Margarejo, tagapagsalita ng MPD.

Huwebes nang pasukin ng MPD ang Aegis Jvris Law Resources Center sa Navarra Street, Sampaloc, Maynila kung saan nangolekta ang awtoridad ng mga ebidensiya na posibleng mag-ugnay sa pagkamatay ni Castillo.

Pinaniniwalaang sa tinaguriang "frat lib" ginanap ang hazing rites na ikinasawi ni Castillo.

Bukod sa mga paddle, hindi pa maisapubliko ng awtoridad kung ano ang mga nakita nilang ebidensiya sa loob ng frat lib.

"Hindi pa makakapagbigay ng conclusive na statement po d'yan considering na yung nakalap nating pieces of evidence ay will be subjected for processing pa po ng ating SOCO or ng crime laboratory," sabi ni Margarejo.

Patuloy naman na binabantayan ng pulisya ang naturang lugar. Ayon sa report, may isa pang pintuan ang hindi pa nabubuksan ng awtoridad.

"Lahat ng possible area na pwedeng kolektahan ng ebidensiya ay kokolektahan po yan ng ating team," dagdag ni Margarejo.

Sampung araw naman umano ang ibinigay sa kanila ng korte na validity ng search warrant.