Libu-libo nakilahok sa earthquake drill sa BGC

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 12:21 PM

Umarangkada na ang earthquake drill sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City, Biyernes ng umaga.

Alas-10 ng umaga nang magpatunog ng alarma ang mga bumbero bilang hudyat ng pagsimula ng kunwaring malakas na lindol.

Pagkalipas ng ilang minuto, nagsilabasan ang 2,000 manggagawa sa construction site sa 11th Avenue at 26th Street. Pinaposte sila sa lansangan na nagsilbing evacuation area.

Inilikas din ang mga kunwaring nasugatan, binigyang lunas at itinakbo sa ospital.

Ang ibang kunwari'y sugatan ay isinakay sa stretcher at wheelchair. 

Marami rin manggagagawa sa business district ang pinalabas sa mga gusali na nakahawak sa kanilang ulo.

Ginamit na evacuation areas ang mga open field sa BGC partikular sa 24th at 28th streets at 6th at 5th Avenues.

Bagama't marami ang sineryoso ang naturang drill, kapansin-pansin na may ilang ginawang biro ang pagsasanay.

Hindi rin buong BGC ang apektado ng drill, kundi ang mga nakipagkaisa lamang na mga establisyemento.

Sarado naman ang ibang kalye ay pero ang iba nagpapadaan pa sa isang lane lamang. Pinatay rin ang mga traffic lights sa BGC.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.