Kotseng minamaneho umano ng lasing, tumilapon sa ilog

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 07:24 PM

Tumilapon ang isang kotse sa ilog sa Barangay Tubod sa Iligan City. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Tumilapon sa ilog ang isang kotse na hinihinalang minamaneho ng lasing na driver sa Barangay Tubod sa Iligan City nitong Biyernes. 

Ayon kay Carmelito Paring, residente na nakasaksi sa insidente, may dalawang sakay ang kotse na tumilapon sa ilog. 

Kuwento pa ni Paring, tinawag niya ang mga sakay ng kotse upang malaman ang kanilang kondisyon. 

Pagkaraan aniya nito’y naupo sa bubong ng kotse ang dalawa at sumigaw ng "Viva Senior San Miguel!"

Tinulungan naman ni Paring na umahon ang dalawa na hinihinala niyang lasing. Nagtamo sila ng maliliit na pinsala. 

Ayon naman sa pulisya, mabilis ang takbo ng kotse, lumihis ito, at tumama sa concrete barriers sa gilid ng tulay. 

Pinalaya agad ng mga pulis ang dalawang pasahero dahil wala namang ibang napinsala. 

Sa kabila nito, sinabi ng pulisya na kailangan nilang bayaran sa city government ang nasirang barriers.

-- Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.