Kawalan ng supply ng NFA rice sa Davao, inireklamo

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 10:24 AM

DAVAO CITY - Nagrereklamo ang ilang mamimili at rice retailer ng bigas mula sa National Food Authority dito sa lungsod at maging sa Davao Del Norte dahil magdadalawang linggo nang walang supply ng NFA rice sa mga palengke.

Ang ibang NFA rice retailer nagsarado muna dahil walang maibentang bigas.

Ayon kay Macario Paco, isa sa mga nagtitinda ng NFA rice dito sa lungsod, umoorder siya ng halos 150 na sako sa NFA rice para itinda bawat linggo pero sa ngayon kahit isang sako walang maibibigay sa kanya ang NFA.

"Problema ko ngayon ano ang ibabayad ko sa renta," ani Paco.

Reklamo ng mga mamimili, nahihirapan at nabibigatan na sila sa pagbili ng commercial rice dahil aabot sa halos P50 ang bawat kilo.

Ayon sa mga opisyal ng NFA sa rehiyon, walang shortage ng NFA rice.

Paliwanag ni NFA Davao Region Manager Edegary Rongcal, hinihintay lamang ang order galing sa NFA council para sa bagong presyo ng NFA rice bago maibenta ang bigas sa publiko.

Sabi ni Rongcal, may dumating na 250,000 na bag ng bagong bigas galing Thailand pero hindi muna ito maibebenta dahil kailangan pa nila ipaubos ang lumang stocks ng NFA rice na mula pa noong isang taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.