Estudyante, kritikal matapos saksakin ng sekyu sa tangkang panggagahasa

Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 08:38 PM | Updated as of Sep 30 2017 02:04 AM

MANILA (UPDATED) - Kritikal ang lagay ng isang 19-anyos na babae matapos saksakin ng isang guwardiya sa tangkang panggagahasa nito sa loob mismo ng kaniyang kuwarto sa isang dormitoryo.

Inamin ng suspek na si Joshua Perez, 21, ang tangkang panggagahasa sa babaeng napag-alaman na isang estudyante sa isang unibersidad sa Maynila.

Lumalabas sa imbestigasyon na pumuslit sa kuwarto ng biktima si Perez habang tulog ang babae nitong Biyernes ng madaling araw. 

Tinakpan pa umano ng unan ni Perez ang mukha ng biktima na sinubukang lumaban ngunit sinaksak ng suspek sa leeg.

Nagtamo rin ang biktima ng mga sugat sa braso na tinamaan rin ng kutsilyo.

Ang mga kalmot ng biktima sa leeg at likuran ni Perez naman ang nakatulong sa pulisya na matukoy na siya nga ang suspek.

Matapos mahuli ng pulisya, humingi naman ng tawad si Perez na 3 buwan pa lang na empleyado sa naturang dormitoryo.

Nahaharap siya sa kasong tangkang pagpatay at inihahanda na rin ang kasong tangkang panggagahasa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.