5 pekeng traffic enforcers, tiklo

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 09:37 AM

Limang pekeng traffic enforcers na nangongotong sa mga motorista ang magkakasunod na naaresto ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

Biyernes ng umaga, naaresto si Archel Carbungco habang nangongotong sa mga truck drivers sa Road 10. Nakakulong na siya ngayon sa Manila Police District Station 1.

Ayon kay Dennis Alcoreza ng MTPB, nauna na nilang naaresto ang apat din umano'y mga nagpapanggap na enforcers sa kahabaan ng Taft Avenue at isa pa ang nakatakas.

Nakilala ang mga naaresto na sina Benjamin Baliuag, Edard Canares, Demetrio Cruz, at isa pang hindi nakilalang suspek.

Hiningan umano ng mga suspek ng P1,000 ang isang truck driver sa may U.N. Avenue at kung hindi magbibigay ay kakasuhan ang driver.

Napagalaman na ang ilan sa mga naaresto ay ay mga dating traffic enforcers kaya may mga uniporme.

Extortion at usurpation of authority ang ikakaso sa mga naarestong pekeng enforcers.

Pinaalalahanan naman ni Alcoreza ang publiko na ang mga lehitimong MTPB traffic enforcers ay naka-duty lamang mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi.

Pagkalagpas ng alas-10 ng gabi, ilang piling traffic enforcers na lang nago-operate na pawang may missiong orders. Ito ay bihira lamang, paliwanag niya.

"When you are flagged down at night and at dawn, 99 percent that supposed traffic enforcer is fake," sabi ni Alcoreza.

Ang mga operasyon aniya ng MTPB sa hatinggabi at madaling araw ay isinasagawa ng grupo-grupong traffic enforcers na nakaposte sa maliwanag na checkpoints.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.