2 umano'y tulak ng droga timbog sa Pasay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 07:02 PM

MANILA- Timbog ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit ng Southern Police District sa isang bahay sa Barangay 43, Tramo, Pasay City Biyernes ng umaga.

Arestado sina Jeremy Arguilles alyas 'Jery' at Jason Vosotros, na kapwa 30 anyos. 

Ayon kay Chief Insp. Jerry Amindalan, nakuhaan ng 4 na sachet ng umano'y shabu si Arguilles na naka-transaksyon umano ng operatiba.

Tinatayang nasa 7 gramo ang timbang nito at nagkakahalaga ng P40,000.

Ayon kay Amindalan, kasama umano ang 2 inaresto sa grupong nagtutulak ng droga sa lugar. 

Pinamumunuan umano ito ng isang alyas Jeff na dati nang target ng mga operasyon kontra ilegal na droga pero hindi pa rin nahuhuli.

Tinanggi ng dalawang suspek na kasama sila sa grupo o nagtutulak, pero aminadong dating gumagamit ng droga.

Ani Arguilles, pinasok lang umano ng pulis ang bahay at inaresto siya habang nanonood ng TV.

Paliwanag naman ni Vosotros, wala siya noon sa bahay na iyon at inaresto siya matapos niya papasukin ang mga pulis sa sariling bahay.

Kahaharapin ng 2 ang kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.