2 suspek sa pagpatay sa tricycle driver sa Cavite, arestado

Noel Alamar, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 12:08 PM

Naaresto ng Cavite City Police ang dalawang suspek na bumaril at nakapatay sa isang tricycle driver sa Cavite City.

Ayon kay Superintendent Giovani Martinez, hepe ng Cavite City Police, nakunan ang krimen ng CCTV ng barangay kaya madali nilang natunton ang pinagtataguan ng mga suspek.

Ayon kay Martinez, minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle nang barilin ito ng riding-in-tandem sa Plaridel Street, Barangay 57, Cavite City.

Nagtamo ang biktima ng isang tama ng bala sa ulo at idineklarang dead on arrival sa ospital.

Sa follow-up operation at sa pamamagitan ng kuha ng CCTV, naaresto ang mga suspek: ang gunman na si John Lawrence Manansala, at Juanchito Balera na nagsilbi namang lookout. Pinaghahanap naman ang driver na si alyas "Toto".

Nakumpiska mula sa mga suspek ang ginamit na kalibre .45 na baril at cellphone kung saan naroon ang usapan sa pagitan ng mga ito at ng mastermind.

Sa imbestigasyon, lumalabas na tauhan ng isang negosyante kinilalang si Aaron Cruz ang dalawa.

Ayon sa pulisya, una nang sinalakay ng Criminal Investigation and Detection Group ang bahay ni Cruz dahil sa pag-iingat nito ng mga hindi lisensyadong baril at ang biktimang si Mendoza ang pinaghihinalaang nagsumbong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.