4 sugatan sa pagbangga ng SUV sa puno

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2016 01:25 AM

Apat ang sugatan nang bumangga sa isang puno ang sinasakyan nilang SUV. Denis Agcaoili, ABS-CBN News

ILOCOS NORTE - Apat ang sugatan matapos bumangga sa puno ang sinasakyan nilang SUV sa national highway ng Barangay Carusipan sa bayan ng Pasuquin Huwebes.

Nakilala ang drayber ng SUV na si Racs Aguinaldo Ferrer, 17 taong gulang at apo ng dating mayor ng bayan ng Pasuquin na si Oscar Aguinaldo.

Agad isinugod sa ospital ang mga biktima dahil sa mga tinamong sugat. Nakatulong sa pagsalba ng kanilang buhay ang airbag ng sasakyan.

Wasak ang harapang bahagi ng SUV sa tindi ng pagkabangga nito sa puno.

Lumalabas sa imbestigasyon na nawalan umano ng kontrol sa pagmamaneho si Ferrer. Mabilis rin umano ang pagpapatakbo niya, base sa nakitang skid mark sa daan.

Galing sa isang okasyon ang magkakaibigan pero hindi pa masiguro ng pulisya kung nakainom ang drayber.

Wala namang driver's license si Ferrer dahil menor de edad pa ito.

Nagbabala naman ang pulisya sa mga magulang na huwag pahintulutang magmaneho ang mga anak lalo na kung wala pa silang lisensya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.