PatrolPH

Halos 800 pamilya sa San Miguel, Bulacan dinalhan ng ayuda

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2022 04:29 PM | Updated as of Sep 28 2022 08:55 PM

Watch more News on iWantTFC

Daan-daang pamilya sa isang barangay sa San Miguel, Bulacan ang inabutan ng tulong matapos manalasa ang Bagyong Karding.

Halos 800 pamilya mula Barangay Batasan Bata ang binigyan ng ABS-CBN Foundation ng relief goods matapos masalanta ng malakas na bagyong dumaan sa Luzon noong Linggo.

"Nagpapasalamat ako sa ABS-CBN sa ipinamahagi nilang tulong sa aming kabarangay," sabi ng barangay chairman na si Cris delos Reyes.

Pero nanawagan pa rin si Delos Reyes sa iba pang maaaring makapagbigay sa kanilang barangay ng pagkain, inumin at damit.

Kasama sa mga tumulong mamigay ng ayuda sa kanilang mga kabarangay ang health worker na si Crispina Lapuz at tanod na si Ronnie Mata.

Ayon kay Lapuz, mistulang bangungot nang rumagasa ang tubig sa kanilang tahanan noong kasagsagan ng bagyo.

"Nag-evacuate na kami sa health center tapos nagdatingan na 'yong mga kapitbahay namin, nag-iiyakan na sila. Sabi ko 'Wag kayo umiyak, ang mahalaga buhay tayo,'" kuwento ni Lapuz.

Si Mata naman na sanay rumesponde sa mga kasama sa komunidad ay kinailangang i-rescue kasama ang pamilya mula sa pinsala ng bagyo.

"Noong malakas na po ang hangin, nakalambitin po ako sa balangkas para huwag lang pong liparin. Nakalambitin ako sa kahoy para 'wag lang liparin ang bubong," aniya.

Hindi bababa sa 10 ang naitalang patay sa pananalasa ng Super Typhoon Karding. 

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.