TFC News

Pinoy factory workers sa Taiwan, nagrereklamo sa 'lockdorm'

Marie Yang | TFC News Taiwan 

Posted at Sep 28 2021 07:18 PM

Watch more on iWantTFC

TAIWAN -- Ilang Pinoy factory workers sa Taiwan, nagrereklamo sa 'lockdorm' o pagbabawal sa kanila na makalabas ng kanilang mga dormitoryo dahil sa paghihigpit ng COVID-19 protocol ng Taiwan bunsod ng bantang dala ng virus.             

“Hindi po kami pinapalabas totally, as in dorm lang po talaga kami. Yung kailangang bilhin po namin ay hindi po talaga namin mabili at wala po talaga kaming magawa, kundi magstay lang sa dorm lagi,” kuwento ni alyas Raiza, isang factory worker sa Zhongli.              

Agosto nang luwagan ng Taiwan ang restrictions. Kabilang dito ang pagpapalabas sa mga manggagawa mula sa kanilang factory dormitories. Pero reklamo nina 'Raiza', mahigpit pa rin sa tinutuluyan nila.  

“Dito po sa company namin ay 3 months na po kaming totally lockdorm tapos ngayon pong buwan, almost 1 month na po kaming pinapalabas 2 hours lang po every Sunday…bawal pong pumunta sa dorm ng ibang floor,” dagdag ni ‘Raiza.’     

Ganito rin ang hinaing ng Pinoy factory worker sa Taoyuan na si alyas Mila:  

“Allowed po kami (lumabas) about 2 hours dito lang sa malapit. We are not allowed to ride any public transportation like taxi, bus or train so by walking lang po…From 9:00 to 10:30 am allowed po kaming magpunta ng city with our broker na may service with coordinator po kasama. ‘Yun po yung grocery day namin.”    

Ayon sa migrant workers, takot silang maghain ng pormal na reklamo dahil may banta ang brokers na pauuwiin ang sinumang hindi susunod sa company policy. Pero paliwanag ng Ugnayan Migrant Center and Shelter sa Taichung, mahigpit ang panuntunan ng Taiwan lalo na sa isyu ng labor.   

“Because everybody have to go through sa Bureau of Labor ng Taiwan. So hindi totoo na ‘pag ikaw ay nagreklamo, ikaw ay mapapauwi,” paliwanag ni Father Joy Tajonera,  Director ng Ugnayan Migrant Center and Shelter sa Taichung. 

Ayon naman sa MECO Labor Taipei Director na si Attorney Cesar Chavez, kailangan lang tumawag ang Pinoy migrant workers sa tanggapan ng MECO para maaksyunan ang kanilang reklamo: 

“…magsumbong sila para maaksyunan po natin…itong ginagawa nilang restrictions ay para daw sa kabutihan ng ating mga manggagawa, it’s not a punishment.” 

Umaasa pa rin ang mga apektadong Pinoy factory workers  na mapapahintulutan silang makalabas para sa kanilang mental health.  

Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.