PatrolPH

Pagbaha ng imported veggies sa merkado kinondena, iniimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2021 06:41 PM | Updated as of Sep 30 2021 07:51 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Kalat ngayon sa mga palengke ng Balintawak, Divisoria, at iba pang palengke ang makikinis at murang carrots na natuklasang imported pala galing China. 

Sabi ng mga tindera, mas mabenta ang mga ito kaysa sa carrots mula Benguet. Pero anila, mas maganda pa rin ang kalidad ng mga lokal na carrots.

"Di lang ang farmers ang nahihirapan, pati mga tindera... Maganda itsura pero pag niluluto na, mas maganda ang local kasi crunchy. Pag ang imported na, nalulusaw parang nalalamog pag niluluto. Kahit half cooked lang, walang lasa," ani Ella Alog, isang tindera. 

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), umaaray ang mga lokal na magsasaka dahil sa pagdami ng mga imported na gulay.

"Nahihirapan 'yung mga magsasaka mag-compete kasi sila di naman sila naglalagay ng mga preservatives, madaling masira, 'yun ang problema," sabi ni rosendo So.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), wala silang binigay na import permit o sanitary and phytosanitary import clearances (SPS-IC) sa importasyon ng mga gulay na ibebenta sa palengke. 

Ang tanging may permit ay ang importasyon para sa mga hotels at restaurants. 

Pinaiimbestigahan na ng DA sa Bureau of Plant Industry ang mga imported na gulay, partikular na ang pesticide at formalin content nito. 

Agaran na ring pinakukumpiska ang mga smuggled na gulay sa palengke.

Nakikipagtulungan na ang DA sa Bureau of Customs (BOC) sa paghuli sa mga nagpapalusot nito. Hinala naman ng BOC, dumadaan sa mga backdoor o tinatawag na "open sea smuggling" ang mga gulay.

Bukod sa carrots, nagkalat rin ang iba pang umano'y smuggled na gulay kagaya ng broccoli, luya, at repolyo.

—Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.