PatrolPH

Pagbabakuna kontra COVID-19 ng general population sisimulan sa Oktubre

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2021 07:03 PM

Watch more on iWantTFC

Bubuksan na para sa lahat ng Pilipino ang pagbabakuna laban sa COVID-19 simula Oktubre, na nangangahulugang puwede nang mabakunahan ang mga sektor na wala sa prayoridad sa vaccine rollout. 

"Magsisimula na po ang pagbabakuna sa general population, ito pong Oktubre. Ito ay inaprubahan na ng Pangulo sang-ayon sa advise ni Secretary [Carlito Galvez] Galvez," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Kabilang din sa mga mababakunahan na sa susunod na buwan ay ang mga kabataang may edad 12 pataas. 

"Ang hinihikayat natin ngayon ay magpa-masterlisting na po ang mga magulang ng mga kabataan para mapalistahan na ang mga kabataan kapag nagsimula na tayo," ani Roque.

Nauna nang inaprubahan ng Food and Drug Administration ang emergency use ng COVID-19 vaccine ng Pfizer at Moderna para sa mga may edad 12 pataas.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, target ng gobyerno na magturok ng hanggang 55 milyong doses ng bakuna sa buwan ng Oktubre o nasa 500,000 hanggang 800,000 doses kada araw.

Inaasahan kasi ang pagdating ng malaking bulto ng donasyong bakuna mula sa COVAX Facility pati ang mga binili ng gobyerno sa mga susunod na linggo.

"We will administer 55 million doses. Puwede pa itong umakyat kapag nagkaroon tayo ng mataas na capacity sa ating mga LGUs (local government units) at sa ating key cities," ani Galvez.

Samantala, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na naniniwala siya na may kapangyarihan ang estado na gawing mandatory ang pagbabakuna laban sa COVID-19 ng bawat Pilipino.

"You know, I do not want to advance this theory but under the police power of the state, everybody can be compelled to be vaccinated. Not because we do not believe in your theory or belief or your religion but because you are a carrier and a danger to society," ani Duterte.

Ayon pa sa Malacañang, maaaring mag-resign ang mga nagtatrabaho sa gobyerno kung tatanggi silang magpabakuna.

Pero nilinaw ni Roque na kailangan pa ng isang batas para gawing mandatory ang pagbabakuna.

Magpapatawag naman ng meeting ang Civil Service Commission sa mga empleyado ng gobyerno tungkol sa mandato ng pangulo sa pagbabakuna.

— Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.