Puerto Galera, umapela ng mas maraming supply ng bakuna kontra COVID sa DOH

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2021 05:36 PM

MAYNILA - Dalawang linggo nang walang nagaganap na pagbabakuna sa Puerto Galera sa Oriental Mindoro dahil walang bakunang dumarating.

Ayon kay Mayor Rocky Ilagan, kailangan nilang mabakunahan ang mga economic frontliners dahil sa turismo nakasalalay ang kabuhayan ng mga taga Puerto Galera.

Sa buong Puerto Galera, nasa 9,000 pa lamang ang nababakunahan ng 1st at 2nd dose at maliit na porsiyento lamang sa bilang ay mga economic workers.

Ayon kay Ilagan, sumulat na sila sa Department of Health para sa dagdag na bakuna. May ultra low temperature freezer naman umano sa Puerto Galera na kayang-kaya nilang tumangap ng maraming bakuna.

“Sabi ko nga kay RD (regional director) gusto mo gagawin ko na lalagyan ng ice candy ito? Kailangang proteksiyounan ko economic frontliners ko, pero sa rate ng vaccination ay sobrang bagal, talagang halos lumuhod na ako sa DOH,” sabi ni Ilagan.

Nagkausap na si Ilagan at ang regional director ng DOH sa Mimaropa kung saan nangakong magpapadala ng bakuna sa susunod na linggo sa Puerto Galera.

- TeleRadyo 28 Setyembre 2021