Suplay ng baboy sa Luzon 'sapat' sa kabila ng ASF outbreak: consumer group

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2020 06:31 PM

MAYNILA — Tiniyak ng isang konsumer group nitong Lunes na sapat at maayos pa rin ang suplay ng karneng baboy sa Metro Manila, sa gitna ng bagong African swine fever outbreak na naitala sa bansa kamakailan. 

Sabi sa TeleRadyo ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag), walang palya ang suplay ng baboy sa mga palengke sa Metro Manila dahil may mga dumarating daw mula sa Visayas at Mindanao.

Sabi pa ni Sinag Chairman Rosendo So, hindi rin dapat lumagpas sa P220 ang suggested retail price (SRP) ng mga karneng baboy dahil wala namang shortage o kakulangan sa suplay nito. 
    
Sa katunayan aniya, mas marami ang suplay ngayon kumpara noong isang taon.
    
Kasabay nito, nanawagan din ang grupo sa pamahalaan na higpitan ang pagpasok ng mga imported na karneng baboy para maiwasan pang kumalat ang ASF.

Hiling din ng grupo sa gobyerno na bilisan ang pagbibigay ng ayuda sa hog raisers na naapektuhan ng virus, lalo't nalugi sila matapos i-cull o patayin ang mga infected na alagang baboy.

"Marami pa rin ang hindi nababayaran. Mabagal kasi ang proseso. Umaabot nang 6 to 7 months ang pagbayad kaya 'yun ang problema natin. Dapat pabilisan ang pagbayad ng government sa ating mga tinamaan, kung hindi kawawa 'yung mga tinamaan," pakiusap ni So. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.