Indian national pinagbabaril sa kaniyang apartment sa Davao del Norte

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2020 04:26 PM

Patay ang isang Indian national matapos pagbabarilin sa kaniyang tinitirahan sa Panabo City, Davao del Norte noong Linggo, ayon sa pulisya.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima bilang si Sekhon Bhagwart Singh, 33, at nangungupahan sa isang apartment sa Barangay San Francisco.

Habang binubuksan ng misis si Singh ang gate sa kanilang apartment, bigla umanong dumating ang 2 hindi pa nakikilalang salaring sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima.

Agad tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril.

Isinugod naman ang biktima sa ospital pero kalaunan ay pumanaw din ito.

Nakuha ng mga awtoridad ang 3 fired cartridge cases, isang bala, at isang slug jacket sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo sa pamamaril at mahuli ang mga salarin. -- Ulat ni Vina Araneta

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.