DepEd tukoy na ang nasa likod ng malalaswang pangalan sa module

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2020 04:30 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Tukoy na ng Department of Education (DepEd) ang sumulat sa mga malisyosong pangalan sa isang module na ginamit sa isang paaralan, na nag-viral kamakailan sa social media.

Nauna nang sinabi ng DepEd na hindi sa kanila galing ang naturang module, na ginamit ng isang private Catholic school sa Zambales.

Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na alam na rin nila ang background ng taong sumulat ng module at ang inisyal nitong pahayag sa isyu.

Natunton na rin ng DepEd ang organisasyong kinabibilangan ng sumulat ng module at inaalam na kung ginagamit din ang materyal sa ibang eskuwelahang kasapi ng grupo.

Tiniyak ni Briones na may aksiyong gagawin ang DepEd dito.

"Gusto namin na sundin ang lahat ng requirements of law at sundin ang lahat ng remedies as required by law dahil ayaw nating magbigay ng example na puwede palang makalusot, na na-contain mo lang o kagalitan mo lang," ani Briones.

Sa budget hearing ng DepEd sa Senado noong Biyernes, ipinaliwanag ni Briones na hindi galing sa kanilang ahensiya ang module dahil gumagamit ng sarili nilang learning materials ang mga pribadong paaralan.

Ito ay matapos magpahayag ng pagkabahala si Sen. Joel Villanueva sa mga malalasawang pangalan sa naturang module.

Kasalukuyang nagpapatupad ang mga eskuwelahan ng distance learning ngayong school year dahil sa COVID-19 pandemic. 

Sa ilalim nito, inihahatid ang mga aralin sa mga estudyante sa pamamagitan ng printed at digital modules, online classes, telebisyon at radyo.