Apat na beses kada linggo ang pasok ni Justin Urmatam kaya naghahanda umano siya sakaling kulangin ang budget.
Ang solusyon daw niya ay ang pag-utang muna sa Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund).
Swak naman umano si Urmatam sa 2 buwang grace period kaya malamang ay sa Enero 2021 na siya magsisimulang magbayad ng utang.
"Malaking tulong sa akin ang grace period na 'yun. Instead na pambayad, magagamit ko pa ang pera para pantustos o panggamit sa ibang bagay," ani Urmatam.
Inaprubahan na ng board ng Pag-IBIG Fund ang 2 buwang grace period.
Pero kung halimbawa gusto pa rin ng miyembro magbayad ng utang kahit may grace period, tatanggapin naman ito ng Pag-IBIG at ituturing na advance payment.
Dahil 2 buwan na hindi magbabayad, hahaba rin ang payment period ng pagbabayad ng utang. Puwede ring bayaran sa kahabaan ng loan term ang interes.
"By default, dahil hindi nila kailangan magbayad for the next 60 days, automatic mae-extend 'yong loan term ng 2 months or 60 days pero ang interest kasi magcha-charge pa rin," ani Pag-IBIG Fund CEO Acmad Rizaldy Moti.
Aprubado na rin ang special housing loan restructuring kung saan makikinabang ang hanggang 100,000 na may utang na hirap magbayad dahil sa pandemya.
Tanggal umano ang lahat ng penalty at pasok ang mga hindi na nakabayad simula Setyembre 2019 o 12 buwang late ang bayad.
"Pinapayagan natin 'yan na ang next nila, pinakamahaba na puwede nilang i-request ay sa Marso next year, March 2021 magre-resume ang kanilang housing loan amortization," ani Moti.
Samantala, paaaprubahan din ng Government Service Insurance System (GSIS) sa board ngayong linggo ang 2 months moratorium sa pagbabayad ng utang.
Plano ng GSIS na paabutin ng Pasko na wala munang kaltas sa suweldo kaya sasabihan na nila ang mga ahensiya ng gobyerno na huwag mag-deduct ng bayad-utang sa November at December.
"Pero 'pag may ni-remit ka, 'di namin ire-refund 'yon. Ibig sabihin, ayaw niyang mag-avail niya ng loan moratorium," ani GSIS Executive Vice President Nora Malubay.
Samantala, wala namang pahayag mula sa Social Security System kaugnay sa utang ng mga miyembro. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Pag-IBIG, Home Development Mutual Fund, loans, pautang, grace period, housing loan, Government Service Insurance System